Mga ilang isyu patungkol sa Mental Health. Google Photos |
May kakilala ka ba na kapamilya, kaibigan, kaklase, katrabaho, o kapitbahay na pinagdadaanang depresyon? Narinig mo ba ang balitang dumarami na ang bilang ng mga tao lalo ng mga kabataang winawakasan ang kanilang sariling buhay dahil sa kani-kanilang problema? Mayroon ka bang narinig na isang malapit mo na kakilala ay dumaraan sa isang suliraning pang-kaisipan at ngayon ay sumasailalim sa isang therapy o medikasyon upang siya ay gumaling? O kaya naman nakita mo ba ang isang kakilala na nagpakonsulta sa isang psychologist o psychiatrist at may unang bagay na pumasok sa isipan mo noong nakita mo siya na pumunta sa isang mental health center?
Iyan ang ilan sa mga tanong na kadalasan unang pumapasok sa isipan nila kapag ang paksa ay tungkol sa kalusugang mental o mental health. Kapag pinag-uusapan ito, iba ang pananaw nito sa ating lipunan. May pagkakataon na binabalewala din ang isyung ito tulad na lamang ng pagpapakamatay, depresyon, at mga karamdamang sikolohikal tulad ng anxiety disorder, schizophrenia at obsessive-compulsive disorder, Bagkus, nagkaroon ng kontrobersyal na pahayag ang aktor na si Joey De Leon na “ang depression ay gawa-gawa lamang” na ganun ding ang pananaw ng ibang tao. Maliban dito, nagkakaroon ng ideya ang mga tao na husgahan ang mga taong nakakaranas ng mga suliraning ito. Minsan naman ay nagiging laman ng mga usapan at biro ang isang taong nakakaranas ng suliranin sa kanilang kalusugang mental. Halimbawa na lamang sa mga taong dumaranas ng depresyon, sa halip na unawain ang pinagdadaanan nya, pinag-uusapan pa ito ng mga tao sa paligid nya o kaya naman yun mga taong may kakaibang pagkilos at ugali, yun sinasabing may problema sa pag-iisip, madalas itong nagiging tampulan ng tukso ng ibang tao. Mas nakakalungkot na ang mga taong dumaranas ng suliranin sa kanilang kalusugang mental ay kinaaawaan, iniiwasan, hinuhusgahan o kinakatakutan para maging sigurado na di sila sasaktan ng pisikal o berbal, di sila makarinig ng panghuhusga ng ibang tao o maaaring ayaw nilang malungkot para sa taong iyon. Isa ding palatandaan na di ganun kalawak ang ating kamalayan sa kalusugang mental ay ang isang tao na pumunta sa mental health center para makipagkita sa psychiatrist at psychologist ay maiisip agad ng mga tao na ito ay problema sa pag-iisip o mas masaklap sasabihin sa iyo ng tao na ikaw ay isang baliw, ngunit sa ibang bansa, normal lang ang magpakonsulta sa mental health clinic.
Nakakalungkot isipin na iyan ang stigma ng ating lipunang Pinoy patungkol sa kalusugang mental. Ayon sa mga salitang binanggit ng Amerikanong aktres na si Glenn Close, “What mental health needs is more sunlight, more candor, more unashamed conversation.” Ang paksang tungkol sa kalusugang mental ay kailangan ng liwanag na madaling masilayan, pagiging bukas upang ito ay madaling maunawaan at isang pag-uusap na hindi kailangang ikahiya at itago dahil ang bawat isa ay magtutulungan upang maintindihan natin ang buhay ng isang tao na may suliranin sa kanyang kalusugang mental. Bukas ba ang ating lipunan tungkol sa mental health awareness? Naunawaan ba natin ito? Gaano kalalim ang ating kamalayan patungkol sa kalusugang mental?
Kamakailan, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11036 o ang Philippine Mental Health Law na iniakda ni Senador Risa Hontiveros. Ang layunin nito ay ang pagkakaroon ng daan para sa pagbibigay ng mental health services sa mga pampublikong ospital at klinika mula sa mga barangay hanggang sa mga bayan at lungsod. Matutugunan ng batas na ito ang karapatan at kapakanan ng mga taong may pangangailangang mental, pagkakaroon ng mental health services sa mga barangay, pagsasama ng saykayatriko, psychosocial at neurolohikong serbisyo sa mga clinic at ospital, at itaguyod ang mental health awareness sa mga paaralan. Isang malaking tulong ang pagpapatupad ng batas na ito para mapalawig pa ang ating kaalaman patungkol sa kalusugang mental.
Maganda ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman patungkol sa batas na ito. Mas mainam pa rin ang pagkakaroon ng kamalayan sa kalusugang mental kung sisimulan natin ito sa ating sarili. Napakahalaga din ang pagkakaroon ng kaalaman sa kalusugang mental. Maraming dahilan kung bakit dapat nating pahalagahan ang pagkakaroon ng kamalayan at pang-unawa patungkol sa paksang ito.
Una, ang pagkakaroon ng malusog na kaisipan. Ayon kay David Satcher, isang Amerikanong doktor at siruhano, “There is no health without mental health.” Sa madaling salita, walang kalusugan kung wala ang kalusugang pang-kaisipan natin at mahalaga dito ang pagkakaroon ng malusog na kaisipan. Ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng sapat na kaalaman, malalim na pang-unawa, pagkakaroon ng maayos na pagkilos at emosyon, ang pag-iisip ng tama o mali bago gawin ang isang bagay at ang positibong pananaw sa ating buhay. Kadalasan, ang ating pag-iisip ay ang nag-uudyok na gumawa ng mga bagay na tama at mali. Ito rin ang nagtuturo kung ano ang dapat sabihin sa isang tao depende sa sitwasyon at sa kanyang saloobin. Sa ating lipunan, madalas ang bawat isa sa atin ay iniisip ang kanilang sariling kapakanan lalo na di sila nakakaranas ng mga suliranin sa kanilang mental na kalusugan. Dahil dito, kapag naiisip nila ang kalusugang mental madalas na pumapasok sa isipan ng ilan ay mental hospital, kabaliwan o sakit sa isip. Nakakalungkot isipin na di ganun kalalim ang kaalaman ng mga Pilipino sa kalusugang mental. Kailangan na magkaroon ng pag-aaral tungkol dito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga libro, lathalain sa diyaryo, magasin at online at ang komprehensibong pag-aaral, pananaliksik at pang-unawa sa kalusugang mental. Kailangan ding mabago ang mga maling pananaw patungkol dito at baguhin ang mga kamalian tungkol sa kamalayan natin ukol dito. Gamitin ang ating talino at pang-unawa upang maintindihan natin sa ating mga sarili na hindi isang sagabal ang pagkakaroon ng suliraning mental sa ating pagkatao kung uunawain natin ito. Higit dito, dapat magkaroon tayo ng positibong pananaw tungkol sa kalusugang mental na ito ay madaling agapan ang mga problema tungkol dito at Sa madaling salita, ang malusog na kaisipan ay tanda ng malawak na pang-unawa patungkol sa kalusugang mental at ito ay nagmumula sa ating sarili.
Pangalawa, ang pagkakaroon ng tamang kaalaman ukol sa kalusugang mental ay isang tanda ng maayos na pag-iisip sa ating sarili at sa ating kapwa. Kapag nakuha na natin ang kaalaman tungkol dito, marami tayong matutuklasan sa mundong ito di lamang sa ating sarili pati na rin sa kapwa. Kung tayo ay makikinig lamang sa mga sabi-sabi na pawing totoo pero di naman napapatunayan, mag-isip muna bago tayo gumawa ng aksyon at magbigay ng opinion tungo sa ating kapwa at sa isyu ng kalusugang mental. Kailangan maunawaan mong mabuti ang kalagayan ng isang tao na dumaranas ng suliraning mental. Kailangan malaman ang puno’t dulo ng lahat na ito kung bakit niya nararanasan ang mga suliranin na ganito. Kailangang alamin mga bagay na dapat at di dapat sabihin o gawin upang wag masaktan ang damdamin ng isang tao. Ito ay dahil makakapag-isip ng maayos kung ano ang dapat gawin kung mayroong mga sitwasyon na susubok sa ating pagkatao. Ito rin ay isang tanda na kapag maayos ang kaisipan ay may malawak kang pang-unawa sa iyong kapwa – tanggap mo ang kanyang kalakasan at kahinaan, nauunawaan mo ang kanyang sitwasyon at kalagayan na walang hinahanap na kapalit, at ang pinakamahalaga, mahal mo sya bilang isang tao na tinuturing mo syang normal sa kabila ng kanyang pagkukulang.
Higit sa lahat, ang pagkakaroon ng kaalaman sa kalusugang mental ay tanda ng maayos na pamumuhay at maunlad na sambayanan. Kapag maayos ang pamumuhay ng bawat isa sa atin, nakakapag-isip ng maayos, namumuhay ng may magandang disposisyon sa buhay na walang tao na nasasaktan o naaapakan, hindi nag-iisip ng masama at negatibo sa paligid mo at namumuhay bilang ng isang responsableng mamamayan na may pananampalataya sa Diyos. Sinasabi na ang mga tao na may maayos na pamumuhay ay tanda ng pagkakaroon ng positibong disposisyon sa buhay. Kapag ganito ang pag-iisip ng bawat tao sa isang komunidad, magkakaroon tayo ng maayos na lipunan na may malawak na pang-unawa sa ating kamalayan ng kalusugang mental. Kung ang ating pag-iisip ay di malawak at mababaw lang ang ating kaalaman patungkol dito, ito ay sumasalamin na hindi masyadong malalim ang ating pang-unawa at kaalaman sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Maaari din naman na ang kulang sa kamalayan sa kalusugang mental ay maaaring magiging sanhi ng ilang problema sa personal na buhay na makakaapekto sa ating pag-iisip at emosyon kung paano haharapin ang mga ito.
Nakakalungkot isipin na dahil kulang ang ating kaalaman at kamalayan tungkol sa kalusugang mental dahil sa mga isyu tulad ng pagkakanya-kanya, pagkakaroon ng baluktot na paniniwala at mababaw na kaalaman, pagiging mapanghusga sa kapwa o kaya naman ang anti-intelektwalismo ng mga Pilipino, ito ay nagiging kanser na nagiging sanhi ng pagbagsak ng ating lipunan. Ito ay maaari nating mabago. May panahon pa para maisalba ang lipunang unti-unting nalulugmok dahil isa na rito ang kakulangan natin sa kaalaman sa kalusugang mental. Masakit man isipin ang mga dahilan at naiisip ng iba na imposibleng gawin ang mga dapat gawin upang mabago ang maling pananaw sa kamalayan ng kalusugang mental sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, dapat nating bigyan ng importansya ang kalusugang mental. Nagkaroon na ng unang hakbang ang ating gobyerno para isulong ang Mental Health Law. Kung ito ay maipapatupad ng maayos at makakaabot ito sa iba’t ibang dako ng Pilipinas, ito ay magkakaroon ng napakalaking tulong sa mga mamamayang Pilipino. Subalit ang pinaka-angkop na paraan dito ay magmumula sa ating sarili. Kung may sapat at malawak tayong kaalaman pang-unawa, mauunawaan natin ng lubusan ang mga taong may suliranin sa kanilang kalusugang mental at makakapagbigay pa ng tulong upang maiangat ang kanyang pagpapahalaga sa sarili. Hindi na natin kailangang pagtawanan o husgahan ang isang tao dahil sa kanyang kalagayan, bagkus magkaroon na lamang ng malawak na pang-unawa sa kanilang pinagdadaanan. Lagi nating iisipin, paano kung tayo o ang ating mahal sa buhay ang makaranas ng kanilang pinagdadaanan.
Higit sa lahat, kung ang ating pananaw sa kalusugang mental ay positibo, magiging maganda ang takbo ng ating buhay. Ang bawat isa sa atin ay magkakaroon ng masayang samahan sa pamilya, mga kaibigan, katrabaho at sa komunidad. Ang pagkakaroon ng masayang komunidad ay simbolo ng pag-unlad tungo sa tagumpay ng ating bansa. Ang mga Pilipino ay likas na masayahin sabi nga nila, kung tayo ay magtutulungan na isulong ang kalusugang mental. Gayahin na lamang natin ang ilang bansa sa Europa at Amerika, ang ilan sa mga bansang ito ay may magandang disposisyon sa buhay at nakamit nga nila ang titulo na pinakamasayang bansa sa buong mundo na nakamit ng mga bansang tulad ng Norway, Denmark, Finland at Iceland di dahil sa nabuhay sila sa marangyang pamumuhay kundi may maayos silang serbisyo sa kalusugan lalo na sa mental na aspeto at ang pamumuhay ng mga tao na may positibong pananaw. Maaari din natin itong magawa sa Pilipinas kung aalisin natin ang pagiging negatibo at palitan ito ng mga masasaya at magandang kaisipan tungo sa buhay. Sa madaling salita, ang malalim na pang-unawa at sapat na kaalaman sa kalusugang mental ay isa din sa mga dahilan kung bakit positibo ang pananaw ng mga tao sa isang bansa.
Alam din naman natin na matatag ang ilan nating kababayan sa kabila ng trahedya at pagsubok. Ayon sa isang kasabihan “Your illness does not define you. Your strength and courage does.” Ito ay totoo lalo na sa lipunan natin na nakakaranas ng mga pagsubok sa buhay na ang iyong lakas at tatag ng loob sa pagharap ng pagsubok ang maglalarawan sa’yo bilang isang indibidwal na nagtagumpay sa mga hamon ng buhay. Kaya lagi nating tatandaan na sa kabila ng ating mga suliranin sa kalusugang mental kahit sa iyong mga kakilala, kaibigan o kapamilya na dumaraan sa ganitong pagsubok, magpakatatag tayo para sa kanila. Maging malakas tayo para maramdaman nila na hindi sila napanghihinaan ng loob sa mundong ito at may magandang buhay na naghihintay sa kanila. Ito ay dahil pagkatapos ng bagyo, sisikat din ang araw at babangon tayong muli.
Bilang pagtatapos, lagi nating iisipin na tayong mga Pinoy ay dapat maging bukas tungkol sa kamalayan sa kalusugang mental. Di natin dapat husgahan o pagtawanan ang mga taong dumaranas ng mga suliranin sa kalusugang mental, unawain at gabayan natin sila na ang mundo natin ay maganda. Ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay at ang pagiging matatag sa pagsubok ay tanda ng isang maayos na kalusugang mental. Ang pinakamahalaga dito ay ang ating kaalaman at pang-unawa sa kalusugang mental ay malawak at malalim para sa maayos na pamumuhay ng bawat isa sa atin at magkaroon ng isang masayang pamayanan tungo sa maunlad na lipunan ng ating bansa. Nagsimula na nga ang pagbabago at unti-unti natin itong nararamdaman na mawawala ang stigma ng mga Pinoy tungkol sa mental health.
Kaya, ang pagiging Noypi-Mental mula sa pagkakaroon ng mababaw na kaalaman sa mental health awareness ay magiging isang bansang may malalim na pang-unawa ukol dito na hindi hinuhusgahan ang ibang tao na may suliranin at ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay.
****************
No comments:
Post a Comment